PLDT-Air Force namuno sa laban ng dalawang koponang walang talo


Nanaig ang PLDT Home Telpad-Philippine Air Force Turbo Boosters kontra Cignal HD Spikers sa apat na sets, 26-24, 23-25, 25-14, 25-21, upang matira na solong koponan sa men’s division ng 2014 Philippine SuperLiga Grand Prix na wala pang talo.

Tinanggal ng Turbo Boosters ang kumpiyansa ng HD Spikers sa ikatlong set kung saan lumamang sila ng 11 points sa iba’t-ibang punto ng set. Sinubukang makabawi ng Cignal sa fourth set at patagalin pa ang laban, ngunit sila ay nabigo nang tinapos nina Jeffrey Malabanan at Rodulfo Labrador ang sagupaan.

Nanguna sina Alnakran Abdilla at Labrador para sa PLDT-Air Force na parehong kumana ng 15 puntos. Sina Ron Jay Galang at Malabanan naman ay naglista ng sampung puntos bawat isa.

Ayon sa nagwaging coach na si Jasper Jimenez, base sa nakita niyang laro ng mga kalaban, mukhang kinikinita na niya na silang dalawa ng Cignal HD ang maghaharap sa finals.

“Competitive naman lahat, pero sa mga nakita kong teams, (Cignal) ang angat,” ani Jimenez.

Dinagdag din niya na susubukan nilang ulitin ang sweep na ginawa nila noong PSL All-Filipino Conference. May natitirang dalawang laro pa ang Hukbóng Himpapawid sa classification round. Kakalabanin nila ang Maybank Tigers sa Nobyembre 15 at ang Bench/Systema Active Smashers sa Nobyembre 19.

Si Gilbert Ablan ang bumida para sa Cignal na may kartadang 15 points. Sumunod naman sina Lorenzo Capate, Jr at Reyson Fuentes na may 13 at sampung puntos ayon sa pagkakasunod. Lahat ng produksyon ni Capate ay nanggaling mula sa atake.

Nagsara sa 3-1 na win-loss card ang Cignal sa preliminary round, ngunit pwede pa nila makuha ang first seed kung nagkataong matalo ng dalawang beses ang PLDT-PAF o di kaya ay may mas magandang tiebreaker ang HD Spikers kung sakaling magtabla sila.

Photos

Click for a photo set on Facebook by Roman Prospero
[fbphotos id=871519909533726 limit=12]